Gabi at nasa Tandang Sora kaming lahat at me nakita akong maliwanag na bagay sa kalangitan. Paikot ang itsura nito at me bahagi itong korteng arrow na nakaturo sa kanan. Sa simula ay maliit lang ito at unti-unti ay palaki ito ng palaki habang umuusad ito.
Tinawag kong lahat ang mga kasambahay ko upang makita nila. Sinabihan ko silang lahat na sundin ang direksyon ng arrow na itinuturo ng liwanag na iyon. Sinasabihan ko pa lang sila ay nakita kong mabilis na palaki ng palaki at umiikot pa ang liwanag na iyon. Si Kyle na anak ni Rizza ay pinapasok niya sa loob ng bahay at nakita ko siya na malungkot na sumunod papunta sa kwarto sa basement.
Lahat ng bahay ay nasasakop ng pagdating ng liwanag na ito at napansin ko na maraming bahay ang sinusunog nito. Mabilis na nagliliyab ang mga bubong ng mga bahay. Meron din naman mga bahay na hindi nito sinusunog kahit na dinaanan na nito. Nakita ko ang mga pangyayaring ito dahil sa para akong nasa sa isang mataas na lugar at natatanaw kong lahat ang dinaraanan ng umiikot na liwanag na ito.
Sa isang kisapmata ay umabot ang liwanag na ito sa kung saan ako nakatayo at biglang me naramdaman akong energy wave na tumama sa akin particular sa may bandang noo ko. Hindi nasunog ang bahay ko sa T. Sora at nakita ko na lamang ang sarili ko na may kapirasong apoy na tulad sa kandila sa pagitan ng mga kilay ko na bahagyang nakadikit at nakalutang.
Paglingon ko ay nakita ko rin ang pamilya ko na sina Mellie, Karl at Jan na meron din apoy na iyon sa mga noo nila. Tuwang-tuwa ako dahil na-realize ko na galing pala ke God ang apoy na yon. Tanda marahil ito ng kaligtasan na ibinigay nya sa amin. Maliban sa pamilya ko ay wala akong ibang nakita pa sa compound na iyon.
Nais kong makita ang kaugnayan ng panaginip kung saan, paano at kailan nagaganap ang mga iba't-ibang serye nito sa mga pangyayari sa buhay ko. Wala itong kaugnayan sa kaninuman at isinasalaysay ko lamang ito ng ayon sa aking pananda sa araw ng pangyayari. Kung nais ninyong masubukan na mabigyan ng kahulugan ang inyong panaginip ay gamitin lang ninyo ang comment portion at pagtulungan natin na mabigyan ng karampatang kahulugan at kalayaan ito.
No comments:
Post a Comment