Umaga na at gising na ang diwa ko subalit para akong nananaginip o nangangarap ng gising. Nakita ko sa mga gising kong diwa na ako ay namatay na at nakahiga sa isang bukas na ataul. Me nagsabi na ako ay naturukan na ng formalin. Ganoon pa man ay hinahawakan ng asawa kong si Mellie ang aking katawan lalo na ang gawing paanan ko. Mainit ang pakiramdam nya sa katawan ko kung kayat sinabi nya na buhay ako.
Tinignan ako ng mga naroroon at laking gulat nila nang dumilat ako at bumangon. Bagama’t kakaiba ang lakad ko dahil sa formalin ay sinabi ko na hindi ako zombie at matino ang isipan ko.
Naging patotoo ako sa mga tao na isang patay na muling nabuhay at nakaranas na makita ang kabilang ibayo kapag ang isang tao ay namatay na. Dahil din dito ay inanyayahan ako ng CCF (church) upang magsalita sa congregation kung ano ang aking naranasan.
Sa kabilang ibayo ay nakita ko umano ang aking ina, ama at ang aking madrasta na pawang namayapa na, na magkakasama. Lahat doon ay pawang nakaputi lamang at nakita kong masaya silang nag-uusap. Kumakaway sila sa akin at ganoon din ako sa kanila. Pinupuntahan ko sila ngunit hindi ako makaalis sa kinaroroonan ko. Patuloy nila akong kinakawayan at ganoon din ako sa kanila.
Nakita kong mataimtim na nakikinig ang lahat sa auditorium at sinabi ko sa lahat na simula ngayon, lahat sila ay dapat na magbago ng pananaw sa buhay. Walang ibang mahalaga sa buhay kundi ang pagmamahalan sa bawat isa lalo na sa kanya-kanyang pamilya. Sinabi ko rin na tigilan na ang labis na paghahangad sa salapi at kapangyarihan at gumawa sila ng pagku-kwenta upang makita nila na kung sapat na upang makakain at mabuhay lang ng simple ay tama na ang gayon at igugol na lamang ang natitirang panahon upang i-enjoy ang samahan ng bawat isa.
Sinabi ko rin na huwag mahihiya ang kahit na sino na umiyak. Kung nararamdaman nilang umiyak ay okay lang. Lalaki o babae ay walang pagkakaiba.
Sinabi ko rin na kalimutan na ang alitan ng bawat isa at kung meron man nakakapanakit ng kapwa sa anumang dahilan ay kalimutan na lang. Sa ganitong pagkakataon ay tinawag ko si Egay na kaibigan ko na alam kong naroroon at nakikinig din sa entablado. Sinabi ko na isa siya sa mga taong na-miss ko at sinabi ko rin na pasimulan na nya ang sinabi ko na pagbabago.
Sinabihan ko siya na tawagan si Michelle na asawa niya upang kausapin namin. Batid kong alam na rin ni Michelle ang nangyari sa akin kung kaya’t gusto rin niya akong makausap. Sa pag-uusap namin ay lantaran kong sinabi na kalimutan na nila ang nakaraan sa kanila at ngayon pa lang ay magkabalikan na sila. Mag-usap sila kung sino ang dapat na bumitaw at makisamang muli. Dapat ay ngayon na mag-decide.
Habang nag-uusap sila ay me dinukot ako sa bulsa ko na musical notes na aking naisaulo kahit na wala akong kaalaman sa pagsusulat ng musika. Ang musikang ito ay narinig ko lamang sa kabilang ibayo at hindi kailanman narinig pa. Ipapatugtog ko kay Egay at sasabayan ko ng awit. Sinabi ko rin na maaaring kopyahin at gayahin ang awitin na iyon kahit sinoman subalit hindi maaaring baguhin kahit na isang letra o nota man lamang nito. Ang lalabag ay magkakaroon ng pananagutan at mapaparusahan.
Hindi ko alam kung paano ko naisaulo ang mga awitin na iyon. Pati na ang bilis ko sa pag-type ay nabago. Galing sa paggamit ng 4 na daliri ay nagamit kong lahat ang daliri ko ng napakabilis na. Ang boses ko sa pag-awit ay nagbago rin.
Sa pag-awit ko, lahat ay umiiyak at dama nila ang meaning ng bawat kataga ng awiting iyon. Una kong inawit ang paborito ko at sumunod ang iba. Si Egay pa rin ang tumutugtog sa lahat ng mga awit na iyon gamit ang mga notang ibinigay ko sa kanya. Si Michelle ay nakiusap na huwag patayin ang cellphone upang makapakinig sa awitin.
Muli akong nagsasalita sa mga tao nang biglang magkaroon ako ng kakaibang pakiramdam kung kaya’t sinabi ko na kung sino man ang me sakit o meron anumang karamdaman, na tumayo ora mismo bago pa mawala ang nararamdaman kong iyon. Halos lahat ay nagsipagtayo at pati si Peter Tan-chi at ang mga pastor ay nagsitayo. Sa isang saglit lang ay ipinagdasal ko silang lahat at itinaboy ang lahat ng uri ng karamdaman nila.
Damang-dama ng lahat ang malakas na hangin na tumama sa kanilang mga mukha at silang lahat ay nakadama ng kagalingan ng kanilang mga karamdaman at kasiglahan ng katawan.
Nais kong makita ang kaugnayan ng panaginip kung saan, paano at kailan nagaganap ang mga iba't-ibang serye nito sa mga pangyayari sa buhay ko. Wala itong kaugnayan sa kaninuman at isinasalaysay ko lamang ito ng ayon sa aking pananda sa araw ng pangyayari. Kung nais ninyong masubukan na mabigyan ng kahulugan ang inyong panaginip ay gamitin lang ninyo ang comment portion at pagtulungan natin na mabigyan ng karampatang kahulugan at kalayaan ito.
Friday, February 8, 2008
Labels:
bangungot,
bliss,
born-again,
death,
dream catcher,
dreams,
ecstasy,
eden,
God,
heaven,
interpretation,
lucid,
meaning,
nightmare,
nirvana,
panaginip,
shangri-la,
utopia
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment