Nakita ko ang sarili ko na naglalakad sa ilalim ng tila isang kuweba kasama ang ilan sa mga miyembro ng aking pamilya nguni’t hindi ko na maalaala kung sino-sino sila. Madilim-dilim sa ilalim subalit nakikita ko naman ang aking dinadaanan.
Inabot ko ang dulo ng tila mala-yungib na daanan at nakita ko na ang dulo ay mayroong pintuan subalit ito ay nakakandado na at may kasamang kadena pa. Nagulat ako at mayroong malakas at biglaang nagbukas ng pintuan at tumambad sa akin ang kagandahan ng liwanag sa labas ng pintuang iyon. Ang nagbukas pala ay si Mr. Arcilla na maintenance personnel namin sa Wrigley at matagal ng sumakabilang buhay.
Pagdaan ko sa pintuan ay meron nahulog na mga lupa sa ulo ko na kaagad ko namang inalis at pinagpag. Tumingala ako kung bakit nahulugan ako ng lupa at nakita ko si papa Tomas na alam kong patay na at masayang kumakanta ng mga paborito niyang awitin ni Frank Sinatra at Mat Monroe. Masaya siya at hindi niya ako nakikita.
No comments:
Post a Comment