Masaya kaming nagaaral ng anak kong si Jan sa isang unibersidad. Magkakaroon na kami ng pagsusulit at namalayan ko na lamang na nasa isang malayong lugar na ako.
Nag-alala ako sa mga gamit kong naiwanan sa unibersidad dahil sa sinabi ng professor namin na kung sino man ang mga nakaiwan ng gamit ay pabayaan na lamang at huwag ng pagaksayahan ng panahon ang mga iyon.
Kamukat-mukat ay nakita ko na lamang na dala ni Jan ang lahat ng mga naiwan kong gamit. Tinanong ko siya kung nakapag-repaso na siya at sinagot niya ako na tapos na subali’t nagutom siya.
Dumating ang isang kaklase namin na bihis na bihis at naka leather jacket pa. Matagal siyang hindi naka-attend ng mga lessons dahil sa kanyang negosyo. Gustong-gusto ko na siyang tanungin kung paano akong puwedeng makipag-negosyo rin sa kanya subalit nagtimpi ako. Inilabas niya ang kanyang digital camera na may halong pagyayabang upang ipakita ang mga kuha niya sa kanyang negosyo na lubhang napakaunlad.
Bigla ay nakita ko na lamang na masaya kaming nag sky dive ni Jan at habang bumababa kami lulan ng parachute ay panay naman ang kuha ko ng pictures. Masarap na masarap ang pakiramdam namin sa pag sky dive at ilang beses kaming umulit. Bigla ay nakita ko ang sarili ko muli sa unibersidad na hawak ang isang green camera subalit atubili akong ilabas iyon dahil pag-aakalang luma na iyon. Ipinakita ni Jan na maganda ang camera at maraming mga secret features. Pati ang zoom lens nito ay mas mahaba kesa sa mga ibang camera.
Sa aming pag sky dive ay nag landing kami pareho sa isang lugar na meron mga unipormadong mga kalalakihan nguni’t hindi ko mawari kung mga pulis ba o military. May nadaanan kaming kakaibang cactus. Maganda at hugis tao ito na gumagalaw na bahagyang sumasayaw. Me mga makulay na bulaklak ito at meron itong lumalabas na tubig na mistulang fountain mula sa ulo nito. Isinahod ko ang aking daliri sa fountain at mahapdi sa balat ito.
Naghanap ako ng nakakaalam kung anong klaseng cactus ito subalit wala akong malinaw na kasagutan na makuha. Bumalik ako sa cactus at naabutan ko ang may-ari na nagsabi na matagal na niyang alaga iyon at ipinakita pa niya na pag kulay pulang tela ang isinahod mo ay mas matapang na likido ang lumalabas. Sinabi pa nya na kung kulay dilaw naman ay higit na mas matapang at hindi mo kayang tiisin ang hapdi ng likidong lalabas duon.
Nais kong makita ang kaugnayan ng panaginip kung saan, paano at kailan nagaganap ang mga iba't-ibang serye nito sa mga pangyayari sa buhay ko. Wala itong kaugnayan sa kaninuman at isinasalaysay ko lamang ito ng ayon sa aking pananda sa araw ng pangyayari. Kung nais ninyong masubukan na mabigyan ng kahulugan ang inyong panaginip ay gamitin lang ninyo ang comment portion at pagtulungan natin na mabigyan ng karampatang kahulugan at kalayaan ito.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment