Friday, December 19, 2003

1st - Nang yumao ang aking ama ay pinamanahan niya ako ng isang building. Malaki ang building na ito at maraming mga kuwarto. May kalumaan na ito at lahat ng bahagi nito ay napupuntahan maliban sa isang kuwarto na nabagsakan na ng mga poste.

Maaari ka lamang makapasok sa loob nito kung gagapang ka ng paluhod sa ilalim ng mga natumbang poste. Paluhod akong pumasok at sa loob ay nakita kong inaayos ang kapaligiran nito ng mga empleyado ng Dainichi sa Banawe.

Habang nasa loob ako ay ninais ko na maglagay ng pintuan upang mas madaling makapasok at makalabas sa naturang lugar. May umaalingawngaw na tinig ng tatay ko ang naririnig ko na nagsasabing huwag akong gumawa ng pinto sapagka’t makakalabas ang ‘monster’ na naroroon.

Sinipat ko ang kapaligiran at nakita kong maaliwalas naman at walang monster doon. Ganoon pa man ay patuloy kong naririnig ang tinig na nagsasabing huwag akong gumawa ng pinto.

(Habang ginagawa ko ito ay napatingin ako sa may gawing bintana at napatutok ang tingin ko sa labas. Biglang gumalaw ang screen door nito na parang tinabig.)

2nd - Nagda-dive kaming buong pamilya at masaya kaming paulit-ulit sa pag-dive. Nalaman ko na lamang na madali ko pala lamang na nagagawang i-dive at umakyat sa lalim na 504 ft.

Tuesday, December 16, 2003

Masaya kong ibinabalita sa aking sambahayan ang 5 digits na tinamaan ko sa lotto. Ipinapakita ko sa kanila ang nos. 02, 07, 09, 11, 14, 19. Maliban sa 14, lahat ng 5 numbers ay lumabas. Tanging ang 14 lamang ang naiba dahil ang lumabas ay 15.

Habang masaya ko itong ibinabalita ay ibinababa naman nila Rizza na hipag ko at si Kyle na anak niya ang mattress ng kama nila upang sa baba na lang sila mahihiga.

Lumabas ako ng bahay at nakita ko na lamang ang kalangitan na punong-puno ng mga nag-kikislapan na mga bituin at sa kalangitan din na ito ay marami akong nakikitang mga kulay pula na mga putol-putol na mga guhit sa lahat ng dako.

Napakataas ng mga guhit na ito nguni’t nang suriin kong mabuti ay nakita ko na mga bala pala ito ng mga napakaraming eroplano na nakikipagdigmaan sa kalawakan. Hindi ko alam kung sinu-sino ang mga nag-aaway ngunit naramdaman kong may giyera na kasalukuyang nagaganap.

Sinabihan ko ang mga kasambahay ko sabay turo sa kanila ng mga nagliliparan at nagpuputukang mga eroplano na sobra ang tataas ng lipad.

Habang nagaganap ito ay may pumasok sa aking kaisipan na nagsasabing gumawa ako ng hukay (underground house) upang maging taguan namin sa gitna ng giyerang ito.

Wednesday, December 10, 2003

Nakita ko ang sarili ko sa apartment sa P.Tuazon kung saan dati akong nakatira na masayang nakikihalubilo sa mga taga-roon. Tila may kasayahan na magaganap at isa ako sa tumutulong doon.

Hinahabol ko si Cindy na 'crush' ko dahil sa balitang “maganda ang legs” ngunit nakita ko na pangit pala dahil mahahaba ang mga balahibo nito na tila sa unggoy ang mga binti nito.

Nagbibigay ako ng mga instructions doon para sa magaganap na kasayahan. Lumabas ako sa may gawing likuran ng bubong namin at mabilis na naglalakad. May namataan akong isang 5-peso coin na makintab sa sahig.

Nilagpasan ko iyon sa pag-iisip na nakakahiyang pulutin ngunit agad kong binalikan at pinulot subalit laking gulat ko ng maging ilang pirasong coins iyon na kakaiba ang hugis at hitsura.

Kinuha ko ang mga coins at ibinigay ang mga ito sa mga batang nasalubong ko.

Tuesday, December 2, 2003

Alam kong tulog ako subali’t buhay na buhay ang diwa ko. Nagkaroon ako ng malinaw na vision ng isang crystal na kopita na binabatinting ng isang kamay na may hawak na tinidor kung kaya’t nagbibigay ito ng isang matining na tunog ng crystal.

Ito ay ang pangkaraniwan na ginagawa ng mga tao kapag may kasalan. Sa gawing likuran naman ay maraming kamay rin ang gumagawa niyon sa kanilang mga kopita ngunit ang tunog lamang ng nag-iisang crystal glass na iyon ang malinaw kong naririnig.