Friday, May 30, 2008

Nasa kolehiyo kami ng asawa kong si Mellie at parehong nag-aaral pa kami. Meron kaming kaklase na lalaki subalit ‘Josie’ ang pangalan. Saksakan ng yabang ito kung kaya’t minsan ay pinatulan namin ang kayabangan niya.

Nagyaya si Josie na maglilibre siya ng sine sa amin ni Mellie at ng ibang kaklase namin. Nanonood na kami ng isang documentary film at ng malapit ng matapos ang palabas ay alumpihit si Josie sa kanyang kinalalagyan.

Meron siyang sinasabi sa akin tungkol sa tiket namin at bago pa matapos ang palabas ay iniwan niya kami at nakipag-usap naman siya sa takilyera. Halata kong nakikipagtalo siya at hindi ko masyadong pinansin dahil sa meron bantay na umaaligid sa lugar namin.

Maya-maya ay nag-ring ang celphone ko at si Josie iyon na nagsasabi na kausapin ko ang takilyera. Kinausap ko naman at sinabi ko na kung hindi niya aayusin ang problema ay irereport ko sila sa mga autoridad.

Maya-maya pa ay nakita ko na si Josie na me dala na mga bagong tiket ulit at masayang papunta sa akin. Noon ko napagtanto na ginamit lang niya ako upang makakuhang muli ng mga bagong tiket upang gamitin ito upang ipang-libre muli sa ibang estudyante na pinagyayabangan niya.

Sinabihan ko siya na hindi ko nagustuhan ang ginawa niya at sa susunod ay hindi ko na siya pagbibigyan pa.

Monday, May 26, 2008

Ako ay mayroong negosyo at bigla ay nakita ko si Korina Sanchez na isang kilala at batikang newscaster at commentator ng radyo at television na palapit sa akin. Inakbayan niya ako at pilit na hinila upang magpunta sa isang tila office. Atubili ako dahil hindi ko alam kung ano ang kahihinatnan ng pagsama ko sa kanya.

Pagkabukas ng pinto ay nakita ko na maraming mga tao na kilala rin sa lipunan subalit hindi ko mawari kung sino-sino sila. Ipinakilala ako ni Korina sa kanila at kita ng mga naroroon na close kami sa isa’t-isa dahil nakakapit pa siya sa bewang ko.

Nahihiya ako dahil sa hindi naman ako kilala ng mga tao nguni’t hindi naging dahilan iyon upang pakawalan ako ni Korina. Sa isang pinagpakilanlan niya sa akin ay nakita ko na nagtititirik pa ang mga mata ng babaeng iyon na parang inis subalit hindi namin pinansin iyon.

Friday, May 23, 2008

Masaya kaming nagaaral ng anak kong si Jan sa isang unibersidad. Magkakaroon na kami ng pagsusulit at namalayan ko na lamang na nasa isang malayong lugar na ako.

Nag-alala ako sa mga gamit kong naiwanan sa unibersidad dahil sa sinabi ng professor namin na kung sino man ang mga nakaiwan ng gamit ay pabayaan na lamang at huwag ng pagaksayahan ng panahon ang mga iyon.

Kamukat-mukat ay nakita ko na lamang na dala ni Jan ang lahat ng mga naiwan kong gamit. Tinanong ko siya kung nakapag-repaso na siya at sinagot niya ako na tapos na subali’t nagutom siya.

Dumating ang isang kaklase namin na bihis na bihis at naka leather jacket pa. Matagal siyang hindi naka-attend ng mga lessons dahil sa kanyang negosyo. Gustong-gusto ko na siyang tanungin kung paano akong puwedeng makipag-negosyo rin sa kanya subalit nagtimpi ako. Inilabas niya ang kanyang digital camera na may halong pagyayabang upang ipakita ang mga kuha niya sa kanyang negosyo na lubhang napakaunlad.

Bigla ay nakita ko na lamang na masaya kaming nag sky dive ni Jan at habang bumababa kami lulan ng parachute ay panay naman ang kuha ko ng pictures. Masarap na masarap ang pakiramdam namin sa pag sky dive at ilang beses kaming umulit. Bigla ay nakita ko ang sarili ko muli sa unibersidad na hawak ang isang green camera subalit atubili akong ilabas iyon dahil pag-aakalang luma na iyon. Ipinakita ni Jan na maganda ang camera at maraming mga secret features. Pati ang zoom lens nito ay mas mahaba kesa sa mga ibang camera.

Sa aming pag sky dive ay nag landing kami pareho sa isang lugar na meron mga unipormadong mga kalalakihan nguni’t hindi ko mawari kung mga pulis ba o military. May nadaanan kaming kakaibang cactus. Maganda at hugis tao ito na gumagalaw na bahagyang sumasayaw. Me mga makulay na bulaklak ito at meron itong lumalabas na tubig na mistulang fountain mula sa ulo nito. Isinahod ko ang aking daliri sa fountain at mahapdi sa balat ito.

Naghanap ako ng nakakaalam kung anong klaseng cactus ito subalit wala akong malinaw na kasagutan na makuha. Bumalik ako sa cactus at naabutan ko ang may-ari na nagsabi na matagal na niyang alaga iyon at ipinakita pa niya na pag kulay pulang tela ang isinahod mo ay mas matapang na likido ang lumalabas. Sinabi pa nya na kung kulay dilaw naman ay higit na mas matapang at hindi mo kayang tiisin ang hapdi ng likidong lalabas duon.

Sunday, May 18, 2008

Nakatira kami ni Mellie na asawa ko sa isang mabundok at remote village na kahalintulad sa mga pelikula ng giyera sa Cambodia. Maliban sa akin ay meron pa siyang 2 iba pang asawa.

Habang naglalakad ako pauwi ay nadaanan ko si Mellie na nakahiga sa may madamong bahagi ng bundok kasama ang 2nd husband nya. Nasa loob sila ng manipis na kulambo kaya kitang-kita sila. Mahaba ang kanyang buhok, maganda at maaaninag sa kanyang mukha ang kabataan. Kakatapos pa lang nilang magtalik at naririnig ko habang nagsasalita siya at nagbibigay ng mga instructions kina Nene at Lala na mga katulong namin. Mabilis lang akong naglakad at nilagpasan ko sila.

Dumaan ako sa makipot na tawiran sa gilid ng bangin na meron maraming makukunat at mahahabang sanga ng mga halaman na nagsisilbing tulay. Naroroon din sila Nene at Lala na kasalukuyang nagluluto. Habang binabagtas ko ang mga sangang iyon ay niyuyugyog ko pa ito na tila naglalaro kung kaya’t napapasigaw si Nene na baka mabali ang mga sangang iyon at baka kami mahulog. Natawid ko naman ang tulay.

Saturday, May 17, 2008

Nakita ko ang sarili ko na naglalakad sa ilalim ng tila isang kuweba kasama ang ilan sa mga miyembro ng aking pamilya nguni’t hindi ko na maalaala kung sino-sino sila. Madilim-dilim sa ilalim subalit nakikita ko naman ang aking dinadaanan.

Inabot ko ang dulo ng tila mala-yungib na daanan at nakita ko na ang dulo ay mayroong pintuan subalit ito ay nakakandado na at may kasamang kadena pa. Nagulat ako at mayroong malakas at biglaang nagbukas ng pintuan at tumambad sa akin ang kagandahan ng liwanag sa labas ng pintuang iyon. Ang nagbukas pala ay si Mr. Arcilla na maintenance personnel namin sa Wrigley at matagal ng sumakabilang buhay.

Pagdaan ko sa pintuan ay meron nahulog na mga lupa sa ulo ko na kaagad ko namang inalis at pinagpag. Tumingala ako kung bakit nahulugan ako ng lupa at nakita ko si papa Tomas na alam kong patay na at masayang kumakanta ng mga paborito niyang awitin ni Frank Sinatra at Mat Monroe. Masaya siya at hindi niya ako nakikita.