Friday, December 19, 2003

1st - Nang yumao ang aking ama ay pinamanahan niya ako ng isang building. Malaki ang building na ito at maraming mga kuwarto. May kalumaan na ito at lahat ng bahagi nito ay napupuntahan maliban sa isang kuwarto na nabagsakan na ng mga poste.

Maaari ka lamang makapasok sa loob nito kung gagapang ka ng paluhod sa ilalim ng mga natumbang poste. Paluhod akong pumasok at sa loob ay nakita kong inaayos ang kapaligiran nito ng mga empleyado ng Dainichi sa Banawe.

Habang nasa loob ako ay ninais ko na maglagay ng pintuan upang mas madaling makapasok at makalabas sa naturang lugar. May umaalingawngaw na tinig ng tatay ko ang naririnig ko na nagsasabing huwag akong gumawa ng pinto sapagka’t makakalabas ang ‘monster’ na naroroon.

Sinipat ko ang kapaligiran at nakita kong maaliwalas naman at walang monster doon. Ganoon pa man ay patuloy kong naririnig ang tinig na nagsasabing huwag akong gumawa ng pinto.

(Habang ginagawa ko ito ay napatingin ako sa may gawing bintana at napatutok ang tingin ko sa labas. Biglang gumalaw ang screen door nito na parang tinabig.)

2nd - Nagda-dive kaming buong pamilya at masaya kaming paulit-ulit sa pag-dive. Nalaman ko na lamang na madali ko pala lamang na nagagawang i-dive at umakyat sa lalim na 504 ft.

Tuesday, December 16, 2003

Masaya kong ibinabalita sa aking sambahayan ang 5 digits na tinamaan ko sa lotto. Ipinapakita ko sa kanila ang nos. 02, 07, 09, 11, 14, 19. Maliban sa 14, lahat ng 5 numbers ay lumabas. Tanging ang 14 lamang ang naiba dahil ang lumabas ay 15.

Habang masaya ko itong ibinabalita ay ibinababa naman nila Rizza na hipag ko at si Kyle na anak niya ang mattress ng kama nila upang sa baba na lang sila mahihiga.

Lumabas ako ng bahay at nakita ko na lamang ang kalangitan na punong-puno ng mga nag-kikislapan na mga bituin at sa kalangitan din na ito ay marami akong nakikitang mga kulay pula na mga putol-putol na mga guhit sa lahat ng dako.

Napakataas ng mga guhit na ito nguni’t nang suriin kong mabuti ay nakita ko na mga bala pala ito ng mga napakaraming eroplano na nakikipagdigmaan sa kalawakan. Hindi ko alam kung sinu-sino ang mga nag-aaway ngunit naramdaman kong may giyera na kasalukuyang nagaganap.

Sinabihan ko ang mga kasambahay ko sabay turo sa kanila ng mga nagliliparan at nagpuputukang mga eroplano na sobra ang tataas ng lipad.

Habang nagaganap ito ay may pumasok sa aking kaisipan na nagsasabing gumawa ako ng hukay (underground house) upang maging taguan namin sa gitna ng giyerang ito.

Wednesday, December 10, 2003

Nakita ko ang sarili ko sa apartment sa P.Tuazon kung saan dati akong nakatira na masayang nakikihalubilo sa mga taga-roon. Tila may kasayahan na magaganap at isa ako sa tumutulong doon.

Hinahabol ko si Cindy na 'crush' ko dahil sa balitang “maganda ang legs” ngunit nakita ko na pangit pala dahil mahahaba ang mga balahibo nito na tila sa unggoy ang mga binti nito.

Nagbibigay ako ng mga instructions doon para sa magaganap na kasayahan. Lumabas ako sa may gawing likuran ng bubong namin at mabilis na naglalakad. May namataan akong isang 5-peso coin na makintab sa sahig.

Nilagpasan ko iyon sa pag-iisip na nakakahiyang pulutin ngunit agad kong binalikan at pinulot subalit laking gulat ko ng maging ilang pirasong coins iyon na kakaiba ang hugis at hitsura.

Kinuha ko ang mga coins at ibinigay ang mga ito sa mga batang nasalubong ko.

Tuesday, December 2, 2003

Alam kong tulog ako subali’t buhay na buhay ang diwa ko. Nagkaroon ako ng malinaw na vision ng isang crystal na kopita na binabatinting ng isang kamay na may hawak na tinidor kung kaya’t nagbibigay ito ng isang matining na tunog ng crystal.

Ito ay ang pangkaraniwan na ginagawa ng mga tao kapag may kasalan. Sa gawing likuran naman ay maraming kamay rin ang gumagawa niyon sa kanilang mga kopita ngunit ang tunog lamang ng nag-iisang crystal glass na iyon ang malinaw kong naririnig.

Saturday, October 25, 2003

Kasama ko si Mellie na aking asawa at si Mang Ramon Gomez na ahente namin sa loob ng isang sasakyan. Binibigyan niya ako ng pagkain ngunit tinanggihan ko. Muli ay bumaba siya ng sasakyan at pagbalik niya ay may dala siyang isang cup ng pagkain.

Ibinibigay niya sa akin ito at ako ay muling tumanggi kahit na gutom na ako. Hindi na siya nagpilit pero inalis niya sa pagkaka-on ang mga telepono at naghubad siya ng polo. Basa siya ng pawis at amoy na amoy ko ang singaw ng kanyang katawan.

Wednesday, September 17, 2003

Mayroon isang family reunion ang mga Ku clan kung saan kabilang ako sa mga dumalo. Ginanap ito sa isang malayong kabundukan sa Baguio at napakaganda naman talaga ng lugar.

Tahimik, malamig at maaliwalas ang lugar. Regular na reunion ang aking nakita kung saan nagkakatipon-tipon ang mga family members maliban sa paisa-isang taong nakikita ko na very unusual ang hitsura.

Napaka-aamo ang mukha ng mga paisa-isang mga taong ito. Matatangos ang mga ilong, maganda ang mga mata at talagang sobra-sobra ang kagandahan at kagwapuhan ng mga ito. Hindi ako mapakali at nausisa ko ang tungkol sa kanila.

Sila pala ang may-ari ng lugar na iyon at sila pala ay ubod ng yaman. Katunayan ay sila pala ang tunay na may-ari ng Araneta Coliseum. Hindi mo daw masusukat ang kanilang kayamanan nguni’t sa kabila noon ay makikita at mararamdaman mo ang kanilang pagiging mapagkumbaba.

Wala silang mga katulong at sila lang ang naghahanda at nagsisilbi sa mga pangangailangan ng lahat doon.

Ang isa pang kaibahan nila ay mga pandak sila at ang tawag daw sa kanila ay mga NEONONDERTHAL. Lalong laking gulat ko ng matuklasan ko rin na sila pala ay kabilang sa mga Ku clan.

Inilibot nila kami sa lugar na iyon hanggang umabot kami sa kanilang mga bahay. Dito ay nalaman ko na hindi namin pwedeng pasukin ang kanilang bahay sapagka’t ito ay bawal na bawal.

Mistulang mga bahay na may bintana ang mga ito nguni’t ang mga ito ay nakapaloob sa bato or nakaukit ang mga ito.

Nakita ko na lamang na pababa na kami ng daan nguni’t damang-dama ko na gusto kong bumalik at maiwan na sa lugar na iyon dahil sa nakita at naramdaman kong kapayapaan at kaligayahan.

[Pagkagising ko ay tinignan ko sa dictionary ang kahulugan ng NEONONDERTHAL at ito ang aking nasaliksik. Walang ganoon na salita kung kaya’t pinaghati-hati ko ito sa mga sumusunod:



NEO - 1. new, modern
2. new form of (Greek neos new)

NON - prefix giving the negative sense of words with which it is
combined.
not, reverse of, absence of ( Latin non not )

DEARTH - scarcity, lack

Kung pagtutugma-tugmain ko ang mga salitang nakalap ko ay lumalabas na ang kahulugan ng NEONONDERTHAL bagama’t ang mas angkop na spelling ay NEONONDEARTHAL ay - Ang bagong panahon na wala ng pangangailangan.]

Saturday, September 6, 2003

1st - Nakita ko na lamang ang sarili ko na nasa isang silid at pinag-uusapan na ooperahin na ako. Nilagyan na ako ng napakaraming mga tape sa tiyan ko at nararamdaman ko ang ginawang pagpa-flat ng mga ito sa tiyan ko. Namalayan ko na lamang na kinakapa ko ang tiyan ko upang alamin kung totoo ito o hindi.

2nd - Muli ay panibagong panaginip ang nakita ko kung saan nasa isang kama ako at may isa pang malaking lalagyan na kasinlaki ng kama na may laman na parang gel na kulay blue.

Ang laman ng buong kama ay pilit na isinusubo sa akin at habang pumapasok sa bunganga ko ay may lumalabas naman sa gawing puwitan ko na kulay blue rin. Nagmistulang colonix ito nguni’t ang tanging kaibahan nito ay nagagawa nilang ilabas-pasok ang kung anong bagay na iyon sa bunganga ko at puwitan

Monday, August 25, 2003

May nabili akong magandang bisikleta mula sa isang matandang babae na may kakaibang uri ng upuan na may mga ukit. Ito ay yari sa napakakinis na materyal na parang makapal na plastic.

Nasa may labasan kami ni Karl na anak ko sa isang bahay at doon ay tinitignan namin ni Karl (na isang bata pa lamang) ang mga nakaukit sa upuan ng bike. Nakita ko na may kakaibang lock pa ito upang hindi matanggal at mahulog sa lagayan ng bike.

Si Karl naman ang nagta-translate ng mga nakikita kong mga ukit sa upuan. Ipinarada ko ang bike ng paayon sa daan sa tabi ng kalsada.

Maya-maya ay dumating ang matandang babae na napagbilhan ko ng bike na nakasakay sa isang lumang jeep at tinabihan ang bike. Akala ko ay babanggain niya ito nguni’t sa halip ay pabalagbag niyang pinarada ang jeep na siyang sanhi kung bakit sumikip ang daloy ng traffic.

Ang mga sasakyan ay dumadaan ngayon sa pagitan ng harapan ng jeep ng babae at ang bike ko. Nag-aalala akong baka tamaan ito ng mga sasakyan subali’t wala naman nangyari. Ang mga sasakyan ay maayos naman na nakakadaan.

Bumaba ang matandang babae at biglang pumasok ng bahay kung saan naroon ako. May kasama pala siyang buyer ng isang lumang sasakyan at doon ay pinakita niya ang sasakyan (hindi ko na nakita si Karl).

Sa hindi maintindihang pangyayari ay binuksan ng babae ang pintuan ng kanyang bahay at pinapasok kami ng lalaking buyer niya at doon ay tumambad sa amin ang isang lalaking may sakit na namamaga na ang buong katawan at tumutulo mula sa kanyang braso ang malapot na nana papunta sa kanyang higaan.

Maamo ang mukha ng lalaki at hindi kakitaan ng hirap ng sakit. Ito ay may kargang bata na nahawa na rin ng kanyang sakit ngunit ang bata ay nakatalikod sa amin.

Sa gawing likuran ko ay may isang kama na may nakahigang isang tao na alam kong patay na sapagka’t ito ay natatakpang buo ng kumot. Sinilip pa ito ng matandang babae sabay takip ulit sa patay.

Hindi ko nakayanan ang mga nangyayari sa loob dahil nandidiri at nasusuka na ako kaya’t minabuti kong lumabas ng bahay. Habang palabas ako ay namataan ko na ang mga kuko pala ng may sakit na lalaki ay napakahahaba at higit sa isang ruler ang mga ito.

Sinabi ng buyer (na isang doktor pala) ng matandang babae na aalis muna siya upang kunin ang mga gamot at pang-iniksyon niya at babalik upang gamutin ang lalaking may sakit. Nakita ko na lamang na ini-iniksyunan na ang may sakit.

Tuesday, August 12, 2003

May mga kasama ako sa loob ng isang kuwarto at nakita ko na lamang ang salawal ko na may laman na dumi. Hindi ko alam kung sa akin iyon o hindi. Pinilit ko na lamang na tumayo at pasimple na lamang akong lumayo upang itapon ang duming iyon.

Sunday, August 3, 2003

1st - May kausap ako sa loob ng isang kuwarto ngunit wala akong ibang maalala kundi ang isang tinig na nagsasabi sa kin na basahin ko ang ISAIAH 2.

2nd - Nakita ko ang sarili ko na kasama ang isang free lancer ng Banawe sa loob ng banko at sinabihan niya na ako na lang ang magpapalit ng kanyang pera na 100 or 1,000 sa bagong uri ng barya na ginagamit.

Napalitan ang mga ito ngunit napuna ko na kakaiba ang barya na ito sapagkat ito ay parang may kaliskis at natutupi sa maski papaanong anggulo.

Saturday, July 26, 2003

May kasama akong mga tao sa isang kuwarto at nakaramdam ako ng pag-utot. Pinipigil ko sana ito subali’t kinakailangan na mailabas na ito kung kaya’t umutot ako.

Walang nakamalay na ako ay umutot ngunit alam kong may kasamang tae ito kaya’t hindi ako makakilos. Naghahanap ako ng bagay na puwedeng maipampunas hanggang sa magising na ako.

Friday, July 25, 2003

1st - Nasa bahay ako ng isang kaibigan o kamag-anak at naliligong kasama ang isang bata at isang babae. Walang halong malisya akong nakaupo ng pahiga sa isang batya na may laman na tubig.

Habang nakababad ako ay namalayan ko na lamang na ako ay napatae sa mismong batya. Nakaramdam ako ng hiya sapagka’t naaamoy ko ang baho ng tae ko at alam kong may naaamoy na kakaiba ang babae. Hindi ko alam kung papaano ko aalisin ang tae.

Sa kabutihan ay bigla na lamang tumae ang bata sa inodoro at hinahalukay ng bata ang kanyang dumi. Sinamantala ko ang pagkakataon at dinakot ko rin ang dumi ko at hinulog sa floor drain ng banyo. Amoy na amoy ang dumi ko at kita rin ang dumi sa aking kanang kamay.

2nd - Nasa Baguio kaming buong mag-anak at masaya kaming nagkakaroon ng party. Binisita ko ang bawat kuwarto at nakita kong masaya ang bawa’t isa. Sa pagtulog ay magkasama sina papa, mama, Mellie at isa pa na hindi ko mawari.

Nakita ko rin doon si Michelle na anak ni Susan na pinsan ko, na nakangiti sa akin. Tinanong ni Rizza na hipag ko si Mellie kung magkakaroon ba ng isang uri ng “syndrome” si Kyle na anak niya. Sinabi ni Mellie na tanungin si Karl na kasalukuyan na nagpapatugtog sa isang kuwarto sa itaas.

Magkasama kami ni Chester na bayaw ko sa isang kuwarto na nag-uusap at dahil boring sa loob ng bahay ay lumabas kami. Napunta kami sa isang kalsada na may bumabagsak na lava sa kalsada.

Paiwas kaming naglalakad at nauna si Chester na hindi umiiwas kung kaya’t tinamaan siya ng lava sa gawing likuran niya. Hindi naman siya nasaktan at ang damit lang ang nasunog. May nakita kaming mag-anak na nag-aaway sa tabi ng isang bahay na may bubong na tinatapunan ng lava.

Sabi ni Chester na tumuloy kami sa aming pupuntahan na guho na mayroon hidden treasure. Nabalitaan ko na lamang na binili na ni Leo CaƱete na dati kong kasamahan na ahente sa Wrigley ang guho na iyon

Thursday, July 17, 2003

Nasa loob ako ng isang kuwarto at umiiyak. Habang umiiyak ay sinasabi ko sa Diyos na hindi naman ako ang may nais na maging Born-Again kundi Siya. Pauli-ulit ko itong sinasabi habang idinudura ko sa isang basurahan ang plema sa aking lalamunan.

Saturday, July 12, 2003

Tumama ako sa lotto nguni’t walang malinaw na eksena kung magkano at kung anong mga numero. Ang pakiwari ko ay parang ambos lamang ito nguni’t maligayang-maligaya ako sapagka’t alam kong mababayaran ko na ang lahat ng mga payables namin ni Mellie.

Thursday, July 3, 2003

Naglalakad ako sa lansangan ng hubo’t-hubad. I didn’t mind kung may mga tao. Ang iba ay tumitingin sa akin at napapangiti at ang iba naman ay hindi ako pinapansin.

Paminsan-minsan ay nagagawa kong takpan ang harapan ko ng kapirasong papel sa mga taong tumitingin sa aking kasarian dahil kahit papaano ay may namumuong kaunting kahihiyaan sa akin. But in totality ay patuloy ang paglalakad ko ng nakahubad.

Nasumpungan ko na lamang ang sarili ko na nasa loob ng Wrigley Philippines kung saan ay nakikipag-usap sa ganoong kaayusan pa rin. Bigla ay nakita ko na lamang sa aking tabi si Mr. Mel Gamboa, ang aking boss.

Ang kanyang buhok ay kakaiba sapagkat ito ay naka-gel at naka-ayos punk . Binati niya ako sabay yakap ng napakahigpit at damang-dama ko ang pagkawala ng hangin sa aking dibdib.

Maya-maya ay umalis na ako at habang naglalakad sa labas ng compound ay nakaramdam na ako ng matinding kahihiyaan kung kaya’t tinawag ko ang company messenger at inutusan ko siya na bumili ng damit para sa akin.