Tuesday, September 16, 2008

Nasa isang pagtitipon ako kasama ang pamilya ko at masaya ang lahat. Bigla ay nakita ko na nagkakagulo na ang lahat at nagtatakbuhan na ang mga tao.

Nakita ko na lamang ang sarili ko na nagtatago sa ilallim ng lamesa ng isang patahian ng damit. Me katabi rin akong isang lalaki na hindi ko kilala. Maya-maya pa ay meron nagdatingan na mga sundalo kasama ang lider nila. Una ay tila lalagpasan nila ang tindahan kung saan ako nagtatago subalit maya-maya pa ay pumasok na sila sa tindahan kung nasaan kami.

Ang pangalan ng lider nila ay Col. Querubin Wasli. Mabagsik ang pananalita niya at dama mo ang galit niya. Marami siyang sinasabi subalit hindi ko maintindihan at hindi ko rin marinig dahil sa takot na baka makita ako.
Bigla ay itinuro ni Col. Wasli ang paa ko at nakita ko na inilabas ng tauhan niya ang isang mahabang itak. Idinikit sa paa ko ang talim ng itak at akmang tatagain. Hindi na ako halos makahinga sa takot at maya-maya pa ay inilabas nila ako sa pinagtataguan ko.

Desidido na talagang ipapatay ako ni Col. Wasli nang bigla ay nagkagulo sa labas ng tindahan. Sinamantala ko ang pagkakataon na iyon upang muling magtago sa ibang dako ng tindahan. Nakita ako ng may ari ng tindahan at dahan dahan biya akong nilapitan at pinagtatakpan ng mga tela at damit na nagkalat doon. Dahan dahan kong inilabas ang 2 kong cellphone at ini-off ko ang mga ito dahil baka biglang tumunog ang mga ito.

Muli ay nakita ko na meron silang hawak na isang lalaki. Laking gulat ko dahil iyon ang katabi ko sa ilalim ng lamesa. Narinig ko na lamang na kaya pala galit na galit si Col. Wasli ay dahil niloko sa negosyo ng lalaking iyon ang kaibigan niya. Maya-maya pa ay inilabas na ng tindahan ang lalaking iyon ngunit bago lumabas ay lumapit sa kinaroroonan ko ang isang tauhan ni Col. Wasli at tinapik ako at sinabing kung hindi nahuli ang lalaking iyon ay totoong papatayin nila ako.

Sumunod ay nakita ko na lamang na me mga kasama ako at masayang naglalakad. Kakain daw kami ngunit wala naman akong dalang pera. Nagbago ang isip ko at sinabi ko na susunduin ko muna ang nanay ko (matagal na itong namayapa) dahil naaawa ako at palagi na lamang siyang naiiwan na mag-isa sa bahay.

Saglit akong nagising at nakita ko na maliwanag na ngunit dahil sa antok ko ay minabuti kong ipagpatuloy ang pagtulog ko. Bago pa ako makatulog ay inisip ko na sana ay managinip ako ng mga numero na maaari kong itaya sa lotto. Nanaginip akong muli at nakita ko ang mga numerong 480675.

Saturday, August 9, 2008

Nasa bahay ako ng hipag kong si Rizza at ang asawa niyang si Chester. Maganda ang bahay nila at ako ay naglalakad-lakad sa palibot ng bahay nila. May namataan akong halaman na Gumamela at nilapitan ko ito.

Nakakita ako ng dalawang piraso ng bubot na bulaklak nito at pinitas ko. Sinipsip ko ang katas na nasa ilalim nito gaya ng nakagawian ko noong bata pa ako kasama ang mga kalaro ko.

Habang hawak ko pa ang bubot na Gumamela ay lumapit sa akin si Chester at tinanong kung ano ang hawak ko. Pinakita ko sa kanya at sinabi niya na tiyak na magagalit si Rizza pag nalaman niya na pinitas ko ang bulaklak. Lumapit nga si Rizza at galit na galit na sinabihan ako patungkol sa pagkakapitas ko ng bulaklak.

Monday, June 16, 2008

Galing ako sa trabaho at kasama kong naglalakad ang isang security guard na kilala ko subalit hindi ko alam ang pangalan. Sumakay kami sa isang jeep kung saan kaming dalawa lamang ang pasahero. Pagdating namin sa aming paroroonan ay naunang bumaba ang security guard. Kasunod akong pababa na ng estribo at me nakita akong limang pisong papel na nakaipit sa gawing dulo ng bubungan ng jeep.

Alam kong bayad na ang aming pamasahe subalit kinuha ko ang pera kahit na alam kong nakikita ako ng driver. Sa puntong iyon ay dama ko na meron nagsasabi sa akin na sa akin ang perang iyon.

Pagbaba ko ng jeep ay patuloy kaming naglakad ng guard kung saan nagtanong siya sa isang tao kung saan ang sakayan papuntang San Juan. Ako ang sumagot sa kaniya kung saan malapit lang ang sakayan sa aming kinatatayuan.

Nagsimula kaming magpunta sa istasyon ng jeep at sa puntong iyon ay nagsubo ako ng chewing gum sa bibig ko at sinimulan kong nguyain. Alam ko na ang pupuntahan namin na sakayan ng jeep ay pabalik sa lugar ng pinagtatrabahuan ko pero parang bale wala lang sa akin.

Sinabi ko rin sa guard na ngayon ay kilala ko na ang pangalan na si Syd na kukunin ko na lang ang sasakyan kong Expedition na malapit lang din sa istasyong ng jeep upang magamit na lang namin.

Sa puntong iyon ay naramdaman ko na meron akong nanguya na bahagyang matigas sa chewing gum kung kaya iniluwa ko ang gum. Laking gulat ko ng makita ko na nakagat ko ang malaking itlog ng ipis at tumambad sa akin ang nakakadiring itsura ng loob nito. Bahagyang nalasahan ko ito kung kayat dinukot ko ang ibang gum na naiwan.

Habang nangyayari ito ay nakikita ko rin na namimilipit sa sakit ang guard na kasama ko. Sa pakiwari ko ay sumasakit ang appendix niya. Hindi ko siya matulungan kahit na gusto ko dahil sa minamadali kong tanggalin ang chewing gum sa loob ng bibig ko.

Hindi ko pa natatanggal lahat ng gum dahil ang iba ay nakadikit sa ipin ko nang makita ko na meron ipis na gumagapang sa kamay ko. Pakiwari ko ay galing sa bunganga ko ang ipis na iyon. Agad kong pinagpag ang kamay ko upang maitapon ang ipis na iyon.

Thursday, June 12, 2008

Masaya ako dahil mag ii-scuba dive na naman kaming muli ng aking pamilya na sina Mellie, Karl and Jan. Nakapag dive naman kami at habang nagpapahinga at masayang nagkukuwentuhan ay sinabi ni Karl na pupuntahan niya muna ang PAG-IBIG office kahit na naka dive gear pa siya.

Sunday, June 1, 2008

Nasa isang kuwarto kami ng asawa kong si Mellie at nagkukuwentuhan. Bigla na lamang sumulpot si Adelfa na 25 years ng laundrywoman ng mother ni Mellie. Nakangiti siya sa amin at me dalang isang buong watermelon na nakapatong sa isang plato. Bahagya akong nagulat dahil dati ko nang alam na patay na si Adelfa at nagtataka ako kung bakit naroroon siya.

Friday, May 30, 2008

Nasa kolehiyo kami ng asawa kong si Mellie at parehong nag-aaral pa kami. Meron kaming kaklase na lalaki subalit ‘Josie’ ang pangalan. Saksakan ng yabang ito kung kaya’t minsan ay pinatulan namin ang kayabangan niya.

Nagyaya si Josie na maglilibre siya ng sine sa amin ni Mellie at ng ibang kaklase namin. Nanonood na kami ng isang documentary film at ng malapit ng matapos ang palabas ay alumpihit si Josie sa kanyang kinalalagyan.

Meron siyang sinasabi sa akin tungkol sa tiket namin at bago pa matapos ang palabas ay iniwan niya kami at nakipag-usap naman siya sa takilyera. Halata kong nakikipagtalo siya at hindi ko masyadong pinansin dahil sa meron bantay na umaaligid sa lugar namin.

Maya-maya ay nag-ring ang celphone ko at si Josie iyon na nagsasabi na kausapin ko ang takilyera. Kinausap ko naman at sinabi ko na kung hindi niya aayusin ang problema ay irereport ko sila sa mga autoridad.

Maya-maya pa ay nakita ko na si Josie na me dala na mga bagong tiket ulit at masayang papunta sa akin. Noon ko napagtanto na ginamit lang niya ako upang makakuhang muli ng mga bagong tiket upang gamitin ito upang ipang-libre muli sa ibang estudyante na pinagyayabangan niya.

Sinabihan ko siya na hindi ko nagustuhan ang ginawa niya at sa susunod ay hindi ko na siya pagbibigyan pa.

Monday, May 26, 2008

Ako ay mayroong negosyo at bigla ay nakita ko si Korina Sanchez na isang kilala at batikang newscaster at commentator ng radyo at television na palapit sa akin. Inakbayan niya ako at pilit na hinila upang magpunta sa isang tila office. Atubili ako dahil hindi ko alam kung ano ang kahihinatnan ng pagsama ko sa kanya.

Pagkabukas ng pinto ay nakita ko na maraming mga tao na kilala rin sa lipunan subalit hindi ko mawari kung sino-sino sila. Ipinakilala ako ni Korina sa kanila at kita ng mga naroroon na close kami sa isa’t-isa dahil nakakapit pa siya sa bewang ko.

Nahihiya ako dahil sa hindi naman ako kilala ng mga tao nguni’t hindi naging dahilan iyon upang pakawalan ako ni Korina. Sa isang pinagpakilanlan niya sa akin ay nakita ko na nagtititirik pa ang mga mata ng babaeng iyon na parang inis subalit hindi namin pinansin iyon.

Friday, May 23, 2008

Masaya kaming nagaaral ng anak kong si Jan sa isang unibersidad. Magkakaroon na kami ng pagsusulit at namalayan ko na lamang na nasa isang malayong lugar na ako.

Nag-alala ako sa mga gamit kong naiwanan sa unibersidad dahil sa sinabi ng professor namin na kung sino man ang mga nakaiwan ng gamit ay pabayaan na lamang at huwag ng pagaksayahan ng panahon ang mga iyon.

Kamukat-mukat ay nakita ko na lamang na dala ni Jan ang lahat ng mga naiwan kong gamit. Tinanong ko siya kung nakapag-repaso na siya at sinagot niya ako na tapos na subali’t nagutom siya.

Dumating ang isang kaklase namin na bihis na bihis at naka leather jacket pa. Matagal siyang hindi naka-attend ng mga lessons dahil sa kanyang negosyo. Gustong-gusto ko na siyang tanungin kung paano akong puwedeng makipag-negosyo rin sa kanya subalit nagtimpi ako. Inilabas niya ang kanyang digital camera na may halong pagyayabang upang ipakita ang mga kuha niya sa kanyang negosyo na lubhang napakaunlad.

Bigla ay nakita ko na lamang na masaya kaming nag sky dive ni Jan at habang bumababa kami lulan ng parachute ay panay naman ang kuha ko ng pictures. Masarap na masarap ang pakiramdam namin sa pag sky dive at ilang beses kaming umulit. Bigla ay nakita ko ang sarili ko muli sa unibersidad na hawak ang isang green camera subalit atubili akong ilabas iyon dahil pag-aakalang luma na iyon. Ipinakita ni Jan na maganda ang camera at maraming mga secret features. Pati ang zoom lens nito ay mas mahaba kesa sa mga ibang camera.

Sa aming pag sky dive ay nag landing kami pareho sa isang lugar na meron mga unipormadong mga kalalakihan nguni’t hindi ko mawari kung mga pulis ba o military. May nadaanan kaming kakaibang cactus. Maganda at hugis tao ito na gumagalaw na bahagyang sumasayaw. Me mga makulay na bulaklak ito at meron itong lumalabas na tubig na mistulang fountain mula sa ulo nito. Isinahod ko ang aking daliri sa fountain at mahapdi sa balat ito.

Naghanap ako ng nakakaalam kung anong klaseng cactus ito subalit wala akong malinaw na kasagutan na makuha. Bumalik ako sa cactus at naabutan ko ang may-ari na nagsabi na matagal na niyang alaga iyon at ipinakita pa niya na pag kulay pulang tela ang isinahod mo ay mas matapang na likido ang lumalabas. Sinabi pa nya na kung kulay dilaw naman ay higit na mas matapang at hindi mo kayang tiisin ang hapdi ng likidong lalabas duon.

Sunday, May 18, 2008

Nakatira kami ni Mellie na asawa ko sa isang mabundok at remote village na kahalintulad sa mga pelikula ng giyera sa Cambodia. Maliban sa akin ay meron pa siyang 2 iba pang asawa.

Habang naglalakad ako pauwi ay nadaanan ko si Mellie na nakahiga sa may madamong bahagi ng bundok kasama ang 2nd husband nya. Nasa loob sila ng manipis na kulambo kaya kitang-kita sila. Mahaba ang kanyang buhok, maganda at maaaninag sa kanyang mukha ang kabataan. Kakatapos pa lang nilang magtalik at naririnig ko habang nagsasalita siya at nagbibigay ng mga instructions kina Nene at Lala na mga katulong namin. Mabilis lang akong naglakad at nilagpasan ko sila.

Dumaan ako sa makipot na tawiran sa gilid ng bangin na meron maraming makukunat at mahahabang sanga ng mga halaman na nagsisilbing tulay. Naroroon din sila Nene at Lala na kasalukuyang nagluluto. Habang binabagtas ko ang mga sangang iyon ay niyuyugyog ko pa ito na tila naglalaro kung kaya’t napapasigaw si Nene na baka mabali ang mga sangang iyon at baka kami mahulog. Natawid ko naman ang tulay.

Saturday, May 17, 2008

Nakita ko ang sarili ko na naglalakad sa ilalim ng tila isang kuweba kasama ang ilan sa mga miyembro ng aking pamilya nguni’t hindi ko na maalaala kung sino-sino sila. Madilim-dilim sa ilalim subalit nakikita ko naman ang aking dinadaanan.

Inabot ko ang dulo ng tila mala-yungib na daanan at nakita ko na ang dulo ay mayroong pintuan subalit ito ay nakakandado na at may kasamang kadena pa. Nagulat ako at mayroong malakas at biglaang nagbukas ng pintuan at tumambad sa akin ang kagandahan ng liwanag sa labas ng pintuang iyon. Ang nagbukas pala ay si Mr. Arcilla na maintenance personnel namin sa Wrigley at matagal ng sumakabilang buhay.

Pagdaan ko sa pintuan ay meron nahulog na mga lupa sa ulo ko na kaagad ko namang inalis at pinagpag. Tumingala ako kung bakit nahulugan ako ng lupa at nakita ko si papa Tomas na alam kong patay na at masayang kumakanta ng mga paborito niyang awitin ni Frank Sinatra at Mat Monroe. Masaya siya at hindi niya ako nakikita.

Friday, February 8, 2008

Umaga na at gising na ang diwa ko subalit para akong nananaginip o nangangarap ng gising. Nakita ko sa mga gising kong diwa na ako ay namatay na at nakahiga sa isang bukas na ataul. Me nagsabi na ako ay naturukan na ng formalin. Ganoon pa man ay hinahawakan ng asawa kong si Mellie ang aking katawan lalo na ang gawing paanan ko. Mainit ang pakiramdam nya sa katawan ko kung kayat sinabi nya na buhay ako.

Tinignan ako ng mga naroroon at laking gulat nila nang dumilat ako at bumangon. Bagama’t kakaiba ang lakad ko dahil sa formalin ay sinabi ko na hindi ako zombie at matino ang isipan ko.

Naging patotoo ako sa mga tao na isang patay na muling nabuhay at nakaranas na makita ang kabilang ibayo kapag ang isang tao ay namatay na. Dahil din dito ay inanyayahan ako ng CCF (church) upang magsalita sa congregation kung ano ang aking naranasan.

Sa kabilang ibayo ay nakita ko umano ang aking ina, ama at ang aking madrasta na pawang namayapa na, na magkakasama. Lahat doon ay pawang nakaputi lamang at nakita kong masaya silang nag-uusap. Kumakaway sila sa akin at ganoon din ako sa kanila. Pinupuntahan ko sila ngunit hindi ako makaalis sa kinaroroonan ko. Patuloy nila akong kinakawayan at ganoon din ako sa kanila.

Nakita kong mataimtim na nakikinig ang lahat sa auditorium at sinabi ko sa lahat na simula ngayon, lahat sila ay dapat na magbago ng pananaw sa buhay. Walang ibang mahalaga sa buhay kundi ang pagmamahalan sa bawat isa lalo na sa kanya-kanyang pamilya. Sinabi ko rin na tigilan na ang labis na paghahangad sa salapi at kapangyarihan at gumawa sila ng pagku-kwenta upang makita nila na kung sapat na upang makakain at mabuhay lang ng simple ay tama na ang gayon at igugol na lamang ang natitirang panahon upang i-enjoy ang samahan ng bawat isa.

Sinabi ko rin na huwag mahihiya ang kahit na sino na umiyak. Kung nararamdaman nilang umiyak ay okay lang. Lalaki o babae ay walang pagkakaiba.

Sinabi ko rin na kalimutan na ang alitan ng bawat isa at kung meron man nakakapanakit ng kapwa sa anumang dahilan ay kalimutan na lang. Sa ganitong pagkakataon ay tinawag ko si Egay na kaibigan ko na alam kong naroroon at nakikinig din sa entablado. Sinabi ko na isa siya sa mga taong na-miss ko at sinabi ko rin na pasimulan na nya ang sinabi ko na pagbabago.

Sinabihan ko siya na tawagan si Michelle na asawa niya upang kausapin namin. Batid kong alam na rin ni Michelle ang nangyari sa akin kung kaya’t gusto rin niya akong makausap. Sa pag-uusap namin ay lantaran kong sinabi na kalimutan na nila ang nakaraan sa kanila at ngayon pa lang ay magkabalikan na sila. Mag-usap sila kung sino ang dapat na bumitaw at makisamang muli. Dapat ay ngayon na mag-decide.

Habang nag-uusap sila ay me dinukot ako sa bulsa ko na musical notes na aking naisaulo kahit na wala akong kaalaman sa pagsusulat ng musika. Ang musikang ito ay narinig ko lamang sa kabilang ibayo at hindi kailanman narinig pa. Ipapatugtog ko kay Egay at sasabayan ko ng awit. Sinabi ko rin na maaaring kopyahin at gayahin ang awitin na iyon kahit sinoman subalit hindi maaaring baguhin kahit na isang letra o nota man lamang nito. Ang lalabag ay magkakaroon ng pananagutan at mapaparusahan.

Hindi ko alam kung paano ko naisaulo ang mga awitin na iyon. Pati na ang bilis ko sa pag-type ay nabago. Galing sa paggamit ng 4 na daliri ay nagamit kong lahat ang daliri ko ng napakabilis na. Ang boses ko sa pag-awit ay nagbago rin.

Sa pag-awit ko, lahat ay umiiyak at dama nila ang meaning ng bawat kataga ng awiting iyon. Una kong inawit ang paborito ko at sumunod ang iba. Si Egay pa rin ang tumutugtog sa lahat ng mga awit na iyon gamit ang mga notang ibinigay ko sa kanya. Si Michelle ay nakiusap na huwag patayin ang cellphone upang makapakinig sa awitin.

Muli akong nagsasalita sa mga tao nang biglang magkaroon ako ng kakaibang pakiramdam kung kaya’t sinabi ko na kung sino man ang me sakit o meron anumang karamdaman, na tumayo ora mismo bago pa mawala ang nararamdaman kong iyon. Halos lahat ay nagsipagtayo at pati si Peter Tan-chi at ang mga pastor ay nagsitayo. Sa isang saglit lang ay ipinagdasal ko silang lahat at itinaboy ang lahat ng uri ng karamdaman nila.

Damang-dama ng lahat ang malakas na hangin na tumama sa kanilang mga mukha at silang lahat ay nakadama ng kagalingan ng kanilang mga karamdaman at kasiglahan ng katawan.