Friday, February 8, 2008

Umaga na at gising na ang diwa ko subalit para akong nananaginip o nangangarap ng gising. Nakita ko sa mga gising kong diwa na ako ay namatay na at nakahiga sa isang bukas na ataul. Me nagsabi na ako ay naturukan na ng formalin. Ganoon pa man ay hinahawakan ng asawa kong si Mellie ang aking katawan lalo na ang gawing paanan ko. Mainit ang pakiramdam nya sa katawan ko kung kayat sinabi nya na buhay ako.

Tinignan ako ng mga naroroon at laking gulat nila nang dumilat ako at bumangon. Bagama’t kakaiba ang lakad ko dahil sa formalin ay sinabi ko na hindi ako zombie at matino ang isipan ko.

Naging patotoo ako sa mga tao na isang patay na muling nabuhay at nakaranas na makita ang kabilang ibayo kapag ang isang tao ay namatay na. Dahil din dito ay inanyayahan ako ng CCF (church) upang magsalita sa congregation kung ano ang aking naranasan.

Sa kabilang ibayo ay nakita ko umano ang aking ina, ama at ang aking madrasta na pawang namayapa na, na magkakasama. Lahat doon ay pawang nakaputi lamang at nakita kong masaya silang nag-uusap. Kumakaway sila sa akin at ganoon din ako sa kanila. Pinupuntahan ko sila ngunit hindi ako makaalis sa kinaroroonan ko. Patuloy nila akong kinakawayan at ganoon din ako sa kanila.

Nakita kong mataimtim na nakikinig ang lahat sa auditorium at sinabi ko sa lahat na simula ngayon, lahat sila ay dapat na magbago ng pananaw sa buhay. Walang ibang mahalaga sa buhay kundi ang pagmamahalan sa bawat isa lalo na sa kanya-kanyang pamilya. Sinabi ko rin na tigilan na ang labis na paghahangad sa salapi at kapangyarihan at gumawa sila ng pagku-kwenta upang makita nila na kung sapat na upang makakain at mabuhay lang ng simple ay tama na ang gayon at igugol na lamang ang natitirang panahon upang i-enjoy ang samahan ng bawat isa.

Sinabi ko rin na huwag mahihiya ang kahit na sino na umiyak. Kung nararamdaman nilang umiyak ay okay lang. Lalaki o babae ay walang pagkakaiba.

Sinabi ko rin na kalimutan na ang alitan ng bawat isa at kung meron man nakakapanakit ng kapwa sa anumang dahilan ay kalimutan na lang. Sa ganitong pagkakataon ay tinawag ko si Egay na kaibigan ko na alam kong naroroon at nakikinig din sa entablado. Sinabi ko na isa siya sa mga taong na-miss ko at sinabi ko rin na pasimulan na nya ang sinabi ko na pagbabago.

Sinabihan ko siya na tawagan si Michelle na asawa niya upang kausapin namin. Batid kong alam na rin ni Michelle ang nangyari sa akin kung kaya’t gusto rin niya akong makausap. Sa pag-uusap namin ay lantaran kong sinabi na kalimutan na nila ang nakaraan sa kanila at ngayon pa lang ay magkabalikan na sila. Mag-usap sila kung sino ang dapat na bumitaw at makisamang muli. Dapat ay ngayon na mag-decide.

Habang nag-uusap sila ay me dinukot ako sa bulsa ko na musical notes na aking naisaulo kahit na wala akong kaalaman sa pagsusulat ng musika. Ang musikang ito ay narinig ko lamang sa kabilang ibayo at hindi kailanman narinig pa. Ipapatugtog ko kay Egay at sasabayan ko ng awit. Sinabi ko rin na maaaring kopyahin at gayahin ang awitin na iyon kahit sinoman subalit hindi maaaring baguhin kahit na isang letra o nota man lamang nito. Ang lalabag ay magkakaroon ng pananagutan at mapaparusahan.

Hindi ko alam kung paano ko naisaulo ang mga awitin na iyon. Pati na ang bilis ko sa pag-type ay nabago. Galing sa paggamit ng 4 na daliri ay nagamit kong lahat ang daliri ko ng napakabilis na. Ang boses ko sa pag-awit ay nagbago rin.

Sa pag-awit ko, lahat ay umiiyak at dama nila ang meaning ng bawat kataga ng awiting iyon. Una kong inawit ang paborito ko at sumunod ang iba. Si Egay pa rin ang tumutugtog sa lahat ng mga awit na iyon gamit ang mga notang ibinigay ko sa kanya. Si Michelle ay nakiusap na huwag patayin ang cellphone upang makapakinig sa awitin.

Muli akong nagsasalita sa mga tao nang biglang magkaroon ako ng kakaibang pakiramdam kung kaya’t sinabi ko na kung sino man ang me sakit o meron anumang karamdaman, na tumayo ora mismo bago pa mawala ang nararamdaman kong iyon. Halos lahat ay nagsipagtayo at pati si Peter Tan-chi at ang mga pastor ay nagsitayo. Sa isang saglit lang ay ipinagdasal ko silang lahat at itinaboy ang lahat ng uri ng karamdaman nila.

Damang-dama ng lahat ang malakas na hangin na tumama sa kanilang mga mukha at silang lahat ay nakadama ng kagalingan ng kanilang mga karamdaman at kasiglahan ng katawan.

Wednesday, May 17, 2006

Gabi at nasa Tandang Sora kaming lahat at me nakita akong maliwanag na bagay sa kalangitan. Paikot ang itsura nito at me bahagi itong korteng arrow na nakaturo sa kanan. Sa simula ay maliit lang ito at unti-unti ay palaki ito ng palaki habang umuusad ito.

Tinawag kong lahat ang mga kasambahay ko upang makita nila. Sinabihan ko silang lahat na sundin ang direksyon ng arrow na itinuturo ng liwanag na iyon. Sinasabihan ko pa lang sila ay nakita kong mabilis na palaki ng palaki at umiikot pa ang liwanag na iyon. Si Kyle na anak ni Rizza ay pinapasok niya sa loob ng bahay at nakita ko siya na malungkot na sumunod papunta sa kwarto sa basement.

Lahat ng bahay ay nasasakop ng pagdating ng liwanag na ito at napansin ko na maraming bahay ang sinusunog nito. Mabilis na nagliliyab ang mga bubong ng mga bahay. Meron din naman mga bahay na hindi nito sinusunog kahit na dinaanan na nito. Nakita ko ang mga pangyayaring ito dahil sa para akong nasa sa isang mataas na lugar at natatanaw kong lahat ang dinaraanan ng umiikot na liwanag na ito.

Sa isang kisapmata ay umabot ang liwanag na ito sa kung saan ako nakatayo at biglang me naramdaman akong energy wave na tumama sa akin particular sa may bandang noo ko. Hindi nasunog ang bahay ko sa T. Sora at nakita ko na lamang ang sarili ko na may kapirasong apoy na tulad sa kandila sa pagitan ng mga kilay ko na bahagyang nakadikit at nakalutang.

Paglingon ko ay nakita ko rin ang pamilya ko na sina Mellie, Karl at Jan na meron din apoy na iyon sa mga noo nila. Tuwang-tuwa ako dahil na-realize ko na galing pala ke God ang apoy na yon. Tanda marahil ito ng kaligtasan na ibinigay nya sa amin. Maliban sa pamilya ko ay wala akong ibang nakita pa sa compound na iyon.

Wednesday, April 21, 2004

Ako ay kasalukuyang naglalakad at nakita ko na lamang na may mga helicopter sa lahat ng dako ng kalangitan. Meron pala silang hinahabol na isang uri ng helicopter na kakaiba ang hitsura.

Nakita ko na kapwa sila nagbabarilan sa itaas. Maya-maya ay bigla na lamang lumanding sa di kalayuan sa kinatatayuan ko ang kakaibang helicoter. May mga taong nagmamadaling bumaba at kumaripas ng takbo at may 2 tao na naiwan na nagsilbing parang mga bihag doon.

Dumating ang mga kalaban nila nguni’t hindi hinuli ang 2 naiwan. Nang wala ng ibang mga tao ay biglang may mga kinalikot ang 2 na naiwan sa helicopter at bigla nila itong pinalipad. Muli silang hinabol ng mga kalaban at narinig ko na lamang na sinabi ng isa sa mga humahabol na nabura na sa lupa ang kanilang mga ‘ass’.
Ako ay kasalukuyang naglalakad at nakita ko na lamang na may mga helicopter sa lahat ng dako ng kalangitan. Meron pala silang hinahabol na isang uri ng helicopter na kakaiba ang hitsura.

Nakita ko na kapwa sila nagbabarilan sa itaas. Maya-maya ay bigla na lamang lumanding sa di kalayuan sa kinatatayuan ko ang kakaibang helicoter. May mga taong nagmamadaling bumaba at kumaripas ng takbo at may 2 tao na naiwan na nagsilbing parang mga bihag doon.

Dumating ang mga kalaban nila nguni’t hindi hinuli ang 2 naiwan. Nang wala ng ibang mga tao ay biglang may mga kinalikot ang 2 na naiwan sa helicopter at bigla nila itong pinalipad. Muli silang hinabol ng mga kalaban at narinig ko na lamang na sinabi ng isa sa mga humahabol na nabura na sa lupa ang kanilang mga ‘ass’.

Saturday, April 10, 2004

Nakita ko na lamang na iniwan ni Irene na hipag ko ang kanyang wedding ring sa ibabaw ng upuan. Pakiramdam ko ay sinadya niya ito upang makita ko at kunin ko. Kinuha ko nga at isinuot ko.

Tuesday, January 13, 2004

May nag-invite sa aming lahat sa isang resort at nalaman ko na lamang na si Henry Furigay iyon na kaibigan ko. Pagdating namin sa resort ay tinanong ko sa mga tauhan doon kung saan ako magpa-park at kung saan kami lulugar.

May sinabi silang level ngunit parang asiwa sila na duon ako magpark. Nalaman ko na bale 5th level lamang ang napuntahan ko kaya’t tinanong ko ang isang tauhan doon kung saan mas maganda.

Atubili siyang sagutin ako at nagbubulungan sila na mga tauhan doon dahil sa pakiwari ko ay may sorpresang nakahanda para sa amin. Sinabi niyang sa 13th level pinakamagandang mag-stay.

Pagpasok namin ay nabungaran ko agad ang isang napakagandang tanawin kung saan kami ay nasa ibabaw ng bundok at nakatingin sa ibaba at kitang-kita ang buong kapaligiran ng mga bundok na ang katabi ay beach.

Nabungaran ko din ang isang napakagandang swimming pool na kakaiba sa lahat. Napakalinaw nito kung kaya’t naligo ako agad. Malalim ito pero hindi ako natakot tumalon. Napakasarap ng aking pakiramdam dahil hindi ordinary na tubig ang laman ng pool kundi parang ‘gel’ ito. Para rin itong ‘trampoline’ kung wawariin ko.

Lumulubog ako pag-talon ko nguni’t dahil para itong gel ay malaya akong nakaba-balik sa lugar kung saan ako naka-upo. Parang may shock-absorber ang pool na ito. Nakaka-sisid din ako sa super lambot na tubig na parang gel. Iba’t-ibang mga style ang nagagawa ko at ako lamang ang nakakagawa nito.

Bilib ang lahat ng mga taong naroroon. Marami rin mga foreigners ang nandoon. Isa sa mga nagagawa ko ang labis na hinahangaan ay ang mataas na patalbog-talbog na gawa ko sa tubig papuntang kisame.

Pag-abot ko sa kisame ay kaya kong manatili doon ng matagal. Pagbagsak ko pabalik sa pool ay binigyan ako ng maluwag na space upang wala akong matamaan. Talagang napaka-sarap ng pakiramdam ko sa pool na iyon.

Mayamaya pa ay kasama ko na si mama Lucy at sweet na sweet kaming nag-uusap. Magkadikit pa ang aming mga mukha habang nag-uusap. Sinasabi ko sa kanya na pasensya na at ngayon ko lang sila nadala sa lugar na iyon dahil sa kakulangan ng budget.

Masayang-masaya rin si mama sa lugar na iyon. Naroon din si Bong na bayaw ko at atubili silang maligo kung kaya’t ipinakita ko pa sa kanila ulit ang paraan ng pag-swimming doon.

Hinanap ko si Mellie na asawa ko at nakita ko siyang nakaupo sa may gilid ng isang bukas na pintuan kasama ang ibang mga guest na nanonood ng view ng dagat. Super ganda ng tanawin at napakahirap i-describe. Kahit malayo ka ay kita mo ang linaw ng tubig.

May mga nakaparada doon ng mga yacht. Isa doon ay kulay red na kotseng Mercedes Benz na parang rubber boat. Nadala ito ng alon pero agad din itong namaniobra ng driver.

Habang naka-upo kami ay may dumaan na barko na parang pirate ship. Mabilis ang pag-daan nito at may nakasulat sa gilid nito na ‘extra big wave’. Pagka-daan nito ay biglang may malaking alon na nabuo at bumagsak sa amin ngunit walang nangyari sa amin.

Napakasarap nga ng feeling sapagkat para kang biglang binuhusan ng sabay-sabay ng tubig na galing sa isang malaking lalagyan. Pagkaraan ng ilang sandali ay may nabasa akong nakasulat na may second wave

Maya-maya ay bumuhos na nga sa amin ang wave nguni’t katulad ng una ay walang nangyari sa amin kundi ang masarap na feeling lamang. Habang naka-upo kami ay kitang-kita namin ang isang pre-historic volcano na nasa ilalim ng tubig dahil na nga sa linaw ng tubig.

Itinuro ko iyon kay Karen na anak ko at sinabi ko na dapat naming lahat na ma-dive iyon. Ang hitsura nito ay parang sa pelikula na may mga katabing ilog at malawak na valleys and plains. Parang walang tubig na nakapalibot dito sa linaw nito.

Mayamaya ay binibigyan na lamang ako ni Mellie na asawa ko ng beer in can at pilit na pinaiinom. Noong una ay ayaw ko pero sa kapipilit niya ay ininom ko na rin.

Malapit sa dagat na ito ay isang lagoon naman na super din sa ganda. Makulay at punong-puno ng mga flowers, plants and trees ang paligid nito. Maraming nanonood dito sapagka’t may show na ginagawa sa ibabaw ng lagoon.

Parang ice ang ibabaw nito at may nagsa-sayaw ng mga maliliit na tao. Parang fairytale sa ganda ang lugar na ito. Mayamaya ay biglang may gumulong na parang nag-iiskate sa ibabaw ng lagoon na parang star.

May kasamang tunog ito na parang malakas na hangin na may music. Napa-iyak nga ang ibang mga bata sa gulat pero tumigil din agad ng biglang maging dancers on skates ang mga gumugulong na stars na ito.

Maraming mga dance activities at presentations na ginagawa sa lagoon na ito na parang sa pelikula mo lamang maaaring mapanood dahil sa super ganda ng activity at scenarios.

Friday, December 19, 2003

1st - Nang yumao ang aking ama ay pinamanahan niya ako ng isang building. Malaki ang building na ito at maraming mga kuwarto. May kalumaan na ito at lahat ng bahagi nito ay napupuntahan maliban sa isang kuwarto na nabagsakan na ng mga poste.

Maaari ka lamang makapasok sa loob nito kung gagapang ka ng paluhod sa ilalim ng mga natumbang poste. Paluhod akong pumasok at sa loob ay nakita kong inaayos ang kapaligiran nito ng mga empleyado ng Dainichi sa Banawe.

Habang nasa loob ako ay ninais ko na maglagay ng pintuan upang mas madaling makapasok at makalabas sa naturang lugar. May umaalingawngaw na tinig ng tatay ko ang naririnig ko na nagsasabing huwag akong gumawa ng pinto sapagka’t makakalabas ang ‘monster’ na naroroon.

Sinipat ko ang kapaligiran at nakita kong maaliwalas naman at walang monster doon. Ganoon pa man ay patuloy kong naririnig ang tinig na nagsasabing huwag akong gumawa ng pinto.

(Habang ginagawa ko ito ay napatingin ako sa may gawing bintana at napatutok ang tingin ko sa labas. Biglang gumalaw ang screen door nito na parang tinabig.)

2nd - Nagda-dive kaming buong pamilya at masaya kaming paulit-ulit sa pag-dive. Nalaman ko na lamang na madali ko pala lamang na nagagawang i-dive at umakyat sa lalim na 504 ft.

Tuesday, December 16, 2003

Masaya kong ibinabalita sa aking sambahayan ang 5 digits na tinamaan ko sa lotto. Ipinapakita ko sa kanila ang nos. 02, 07, 09, 11, 14, 19. Maliban sa 14, lahat ng 5 numbers ay lumabas. Tanging ang 14 lamang ang naiba dahil ang lumabas ay 15.

Habang masaya ko itong ibinabalita ay ibinababa naman nila Rizza na hipag ko at si Kyle na anak niya ang mattress ng kama nila upang sa baba na lang sila mahihiga.

Lumabas ako ng bahay at nakita ko na lamang ang kalangitan na punong-puno ng mga nag-kikislapan na mga bituin at sa kalangitan din na ito ay marami akong nakikitang mga kulay pula na mga putol-putol na mga guhit sa lahat ng dako.

Napakataas ng mga guhit na ito nguni’t nang suriin kong mabuti ay nakita ko na mga bala pala ito ng mga napakaraming eroplano na nakikipagdigmaan sa kalawakan. Hindi ko alam kung sinu-sino ang mga nag-aaway ngunit naramdaman kong may giyera na kasalukuyang nagaganap.

Sinabihan ko ang mga kasambahay ko sabay turo sa kanila ng mga nagliliparan at nagpuputukang mga eroplano na sobra ang tataas ng lipad.

Habang nagaganap ito ay may pumasok sa aking kaisipan na nagsasabing gumawa ako ng hukay (underground house) upang maging taguan namin sa gitna ng giyerang ito.

Wednesday, December 10, 2003

Nakita ko ang sarili ko sa apartment sa P.Tuazon kung saan dati akong nakatira na masayang nakikihalubilo sa mga taga-roon. Tila may kasayahan na magaganap at isa ako sa tumutulong doon.

Hinahabol ko si Cindy na 'crush' ko dahil sa balitang “maganda ang legs” ngunit nakita ko na pangit pala dahil mahahaba ang mga balahibo nito na tila sa unggoy ang mga binti nito.

Nagbibigay ako ng mga instructions doon para sa magaganap na kasayahan. Lumabas ako sa may gawing likuran ng bubong namin at mabilis na naglalakad. May namataan akong isang 5-peso coin na makintab sa sahig.

Nilagpasan ko iyon sa pag-iisip na nakakahiyang pulutin ngunit agad kong binalikan at pinulot subalit laking gulat ko ng maging ilang pirasong coins iyon na kakaiba ang hugis at hitsura.

Kinuha ko ang mga coins at ibinigay ang mga ito sa mga batang nasalubong ko.

Tuesday, December 2, 2003

Alam kong tulog ako subali’t buhay na buhay ang diwa ko. Nagkaroon ako ng malinaw na vision ng isang crystal na kopita na binabatinting ng isang kamay na may hawak na tinidor kung kaya’t nagbibigay ito ng isang matining na tunog ng crystal.

Ito ay ang pangkaraniwan na ginagawa ng mga tao kapag may kasalan. Sa gawing likuran naman ay maraming kamay rin ang gumagawa niyon sa kanilang mga kopita ngunit ang tunog lamang ng nag-iisang crystal glass na iyon ang malinaw kong naririnig.

Saturday, October 25, 2003

Kasama ko si Mellie na aking asawa at si Mang Ramon Gomez na ahente namin sa loob ng isang sasakyan. Binibigyan niya ako ng pagkain ngunit tinanggihan ko. Muli ay bumaba siya ng sasakyan at pagbalik niya ay may dala siyang isang cup ng pagkain.

Ibinibigay niya sa akin ito at ako ay muling tumanggi kahit na gutom na ako. Hindi na siya nagpilit pero inalis niya sa pagkaka-on ang mga telepono at naghubad siya ng polo. Basa siya ng pawis at amoy na amoy ko ang singaw ng kanyang katawan.

Wednesday, September 17, 2003

Mayroon isang family reunion ang mga Ku clan kung saan kabilang ako sa mga dumalo. Ginanap ito sa isang malayong kabundukan sa Baguio at napakaganda naman talaga ng lugar.

Tahimik, malamig at maaliwalas ang lugar. Regular na reunion ang aking nakita kung saan nagkakatipon-tipon ang mga family members maliban sa paisa-isang taong nakikita ko na very unusual ang hitsura.

Napaka-aamo ang mukha ng mga paisa-isang mga taong ito. Matatangos ang mga ilong, maganda ang mga mata at talagang sobra-sobra ang kagandahan at kagwapuhan ng mga ito. Hindi ako mapakali at nausisa ko ang tungkol sa kanila.

Sila pala ang may-ari ng lugar na iyon at sila pala ay ubod ng yaman. Katunayan ay sila pala ang tunay na may-ari ng Araneta Coliseum. Hindi mo daw masusukat ang kanilang kayamanan nguni’t sa kabila noon ay makikita at mararamdaman mo ang kanilang pagiging mapagkumbaba.

Wala silang mga katulong at sila lang ang naghahanda at nagsisilbi sa mga pangangailangan ng lahat doon.

Ang isa pang kaibahan nila ay mga pandak sila at ang tawag daw sa kanila ay mga NEONONDERTHAL. Lalong laking gulat ko ng matuklasan ko rin na sila pala ay kabilang sa mga Ku clan.

Inilibot nila kami sa lugar na iyon hanggang umabot kami sa kanilang mga bahay. Dito ay nalaman ko na hindi namin pwedeng pasukin ang kanilang bahay sapagka’t ito ay bawal na bawal.

Mistulang mga bahay na may bintana ang mga ito nguni’t ang mga ito ay nakapaloob sa bato or nakaukit ang mga ito.

Nakita ko na lamang na pababa na kami ng daan nguni’t damang-dama ko na gusto kong bumalik at maiwan na sa lugar na iyon dahil sa nakita at naramdaman kong kapayapaan at kaligayahan.

[Pagkagising ko ay tinignan ko sa dictionary ang kahulugan ng NEONONDERTHAL at ito ang aking nasaliksik. Walang ganoon na salita kung kaya’t pinaghati-hati ko ito sa mga sumusunod:



NEO - 1. new, modern
2. new form of (Greek neos new)

NON - prefix giving the negative sense of words with which it is
combined.
not, reverse of, absence of ( Latin non not )

DEARTH - scarcity, lack

Kung pagtutugma-tugmain ko ang mga salitang nakalap ko ay lumalabas na ang kahulugan ng NEONONDERTHAL bagama’t ang mas angkop na spelling ay NEONONDEARTHAL ay - Ang bagong panahon na wala ng pangangailangan.]

Saturday, September 6, 2003

1st - Nakita ko na lamang ang sarili ko na nasa isang silid at pinag-uusapan na ooperahin na ako. Nilagyan na ako ng napakaraming mga tape sa tiyan ko at nararamdaman ko ang ginawang pagpa-flat ng mga ito sa tiyan ko. Namalayan ko na lamang na kinakapa ko ang tiyan ko upang alamin kung totoo ito o hindi.

2nd - Muli ay panibagong panaginip ang nakita ko kung saan nasa isang kama ako at may isa pang malaking lalagyan na kasinlaki ng kama na may laman na parang gel na kulay blue.

Ang laman ng buong kama ay pilit na isinusubo sa akin at habang pumapasok sa bunganga ko ay may lumalabas naman sa gawing puwitan ko na kulay blue rin. Nagmistulang colonix ito nguni’t ang tanging kaibahan nito ay nagagawa nilang ilabas-pasok ang kung anong bagay na iyon sa bunganga ko at puwitan

Monday, August 25, 2003

May nabili akong magandang bisikleta mula sa isang matandang babae na may kakaibang uri ng upuan na may mga ukit. Ito ay yari sa napakakinis na materyal na parang makapal na plastic.

Nasa may labasan kami ni Karl na anak ko sa isang bahay at doon ay tinitignan namin ni Karl (na isang bata pa lamang) ang mga nakaukit sa upuan ng bike. Nakita ko na may kakaibang lock pa ito upang hindi matanggal at mahulog sa lagayan ng bike.

Si Karl naman ang nagta-translate ng mga nakikita kong mga ukit sa upuan. Ipinarada ko ang bike ng paayon sa daan sa tabi ng kalsada.

Maya-maya ay dumating ang matandang babae na napagbilhan ko ng bike na nakasakay sa isang lumang jeep at tinabihan ang bike. Akala ko ay babanggain niya ito nguni’t sa halip ay pabalagbag niyang pinarada ang jeep na siyang sanhi kung bakit sumikip ang daloy ng traffic.

Ang mga sasakyan ay dumadaan ngayon sa pagitan ng harapan ng jeep ng babae at ang bike ko. Nag-aalala akong baka tamaan ito ng mga sasakyan subali’t wala naman nangyari. Ang mga sasakyan ay maayos naman na nakakadaan.

Bumaba ang matandang babae at biglang pumasok ng bahay kung saan naroon ako. May kasama pala siyang buyer ng isang lumang sasakyan at doon ay pinakita niya ang sasakyan (hindi ko na nakita si Karl).

Sa hindi maintindihang pangyayari ay binuksan ng babae ang pintuan ng kanyang bahay at pinapasok kami ng lalaking buyer niya at doon ay tumambad sa amin ang isang lalaking may sakit na namamaga na ang buong katawan at tumutulo mula sa kanyang braso ang malapot na nana papunta sa kanyang higaan.

Maamo ang mukha ng lalaki at hindi kakitaan ng hirap ng sakit. Ito ay may kargang bata na nahawa na rin ng kanyang sakit ngunit ang bata ay nakatalikod sa amin.

Sa gawing likuran ko ay may isang kama na may nakahigang isang tao na alam kong patay na sapagka’t ito ay natatakpang buo ng kumot. Sinilip pa ito ng matandang babae sabay takip ulit sa patay.

Hindi ko nakayanan ang mga nangyayari sa loob dahil nandidiri at nasusuka na ako kaya’t minabuti kong lumabas ng bahay. Habang palabas ako ay namataan ko na ang mga kuko pala ng may sakit na lalaki ay napakahahaba at higit sa isang ruler ang mga ito.

Sinabi ng buyer (na isang doktor pala) ng matandang babae na aalis muna siya upang kunin ang mga gamot at pang-iniksyon niya at babalik upang gamutin ang lalaking may sakit. Nakita ko na lamang na ini-iniksyunan na ang may sakit.

Tuesday, August 12, 2003

May mga kasama ako sa loob ng isang kuwarto at nakita ko na lamang ang salawal ko na may laman na dumi. Hindi ko alam kung sa akin iyon o hindi. Pinilit ko na lamang na tumayo at pasimple na lamang akong lumayo upang itapon ang duming iyon.

Sunday, August 3, 2003

1st - May kausap ako sa loob ng isang kuwarto ngunit wala akong ibang maalala kundi ang isang tinig na nagsasabi sa kin na basahin ko ang ISAIAH 2.

2nd - Nakita ko ang sarili ko na kasama ang isang free lancer ng Banawe sa loob ng banko at sinabihan niya na ako na lang ang magpapalit ng kanyang pera na 100 or 1,000 sa bagong uri ng barya na ginagamit.

Napalitan ang mga ito ngunit napuna ko na kakaiba ang barya na ito sapagkat ito ay parang may kaliskis at natutupi sa maski papaanong anggulo.

Saturday, July 26, 2003

May kasama akong mga tao sa isang kuwarto at nakaramdam ako ng pag-utot. Pinipigil ko sana ito subali’t kinakailangan na mailabas na ito kung kaya’t umutot ako.

Walang nakamalay na ako ay umutot ngunit alam kong may kasamang tae ito kaya’t hindi ako makakilos. Naghahanap ako ng bagay na puwedeng maipampunas hanggang sa magising na ako.

Friday, July 25, 2003

1st - Nasa bahay ako ng isang kaibigan o kamag-anak at naliligong kasama ang isang bata at isang babae. Walang halong malisya akong nakaupo ng pahiga sa isang batya na may laman na tubig.

Habang nakababad ako ay namalayan ko na lamang na ako ay napatae sa mismong batya. Nakaramdam ako ng hiya sapagka’t naaamoy ko ang baho ng tae ko at alam kong may naaamoy na kakaiba ang babae. Hindi ko alam kung papaano ko aalisin ang tae.

Sa kabutihan ay bigla na lamang tumae ang bata sa inodoro at hinahalukay ng bata ang kanyang dumi. Sinamantala ko ang pagkakataon at dinakot ko rin ang dumi ko at hinulog sa floor drain ng banyo. Amoy na amoy ang dumi ko at kita rin ang dumi sa aking kanang kamay.

2nd - Nasa Baguio kaming buong mag-anak at masaya kaming nagkakaroon ng party. Binisita ko ang bawat kuwarto at nakita kong masaya ang bawa’t isa. Sa pagtulog ay magkasama sina papa, mama, Mellie at isa pa na hindi ko mawari.

Nakita ko rin doon si Michelle na anak ni Susan na pinsan ko, na nakangiti sa akin. Tinanong ni Rizza na hipag ko si Mellie kung magkakaroon ba ng isang uri ng “syndrome” si Kyle na anak niya. Sinabi ni Mellie na tanungin si Karl na kasalukuyan na nagpapatugtog sa isang kuwarto sa itaas.

Magkasama kami ni Chester na bayaw ko sa isang kuwarto na nag-uusap at dahil boring sa loob ng bahay ay lumabas kami. Napunta kami sa isang kalsada na may bumabagsak na lava sa kalsada.

Paiwas kaming naglalakad at nauna si Chester na hindi umiiwas kung kaya’t tinamaan siya ng lava sa gawing likuran niya. Hindi naman siya nasaktan at ang damit lang ang nasunog. May nakita kaming mag-anak na nag-aaway sa tabi ng isang bahay na may bubong na tinatapunan ng lava.

Sabi ni Chester na tumuloy kami sa aming pupuntahan na guho na mayroon hidden treasure. Nabalitaan ko na lamang na binili na ni Leo CaƱete na dati kong kasamahan na ahente sa Wrigley ang guho na iyon

Thursday, July 17, 2003

Nasa loob ako ng isang kuwarto at umiiyak. Habang umiiyak ay sinasabi ko sa Diyos na hindi naman ako ang may nais na maging Born-Again kundi Siya. Pauli-ulit ko itong sinasabi habang idinudura ko sa isang basurahan ang plema sa aking lalamunan.

Saturday, July 12, 2003

Tumama ako sa lotto nguni’t walang malinaw na eksena kung magkano at kung anong mga numero. Ang pakiwari ko ay parang ambos lamang ito nguni’t maligayang-maligaya ako sapagka’t alam kong mababayaran ko na ang lahat ng mga payables namin ni Mellie.